Pamilya ng sinaksak na lider magsasaka sa Cuyapo maghahapag ng kaso

MAGHAHAPAG umano ng kasong murder at frustrated murder ang pamilya ng lider magsasaka na si G. Mariano Valdez, 67, residente ng Barangay Cacapasan, Cuyapo, matapos itong mapatay sa saksak ng suspek na nagngangalang Angelito Catchola, na nag-amok sa isang kasalanan sa kanilang lugar noong gabi ng Sabado, ika – 21 ng Enero.

Sa panayam sa anak ng biktima na si Maritess Valdez Dargo, isinalaysay nito ang buong pa...ngyayari. Ayon kay Marites, bisperas ng kasal ng kaniyang pamangkin at nag-iinuman noon ang kanyang anak na si Richard Dargo, 20, isa rin sa sinaksak, kasama ang barkada na nagngangalang Jun Garillo, taga sityo Bertese, Barangay Lennec, Guimba habang nasa ibang lamesa naman ang suspek na si Angelito Catchola. Nagkainitan umano ang grupo ni Richard at ni Angelito, subalit ang katunggali ng suspek ay itong si Garillo na umabot sa suntukan. Napabagsak ni Garillo si Catchola na umuwi ng kanilang tahanan at kumuha ng patalim.

Bumalik si Catchola sa kasalan subalit hindi na nito nakita ang nakasuntukan. Sa halip, pinagbalingan nito si Richard na una nyang nakita na agad nitong sinaksak sa ilalim ng kilikili. Nakita umano ni Mang Mariano ang suspek at sinaway niya ito. Imbis na makinig sa matanda, sinaksak niya ito sa hita.

Agad na itinakbo ng mga kapitbahay ang mga biktima sa Nueva Ecija District Hospital sa Barangay Pacaca. Nalapatan umano ng pang unang lunas si Richard habang hindi naman tumigil ang pagsirit ng dugo sa sugat ni Mang Mariano na ililipat sana ng ospital ngunit dakong 1: 00 ng madalaing-araw ay pumanaw na ito.

Ayon sa autopsy report, pagkaubos ng dugo ang naging dahilan ng kamatayan ng biktima. Ayon pa sa doktor na sumiyasat sa bangkay, maaari pa umano itong naisalba kung agad inipit ang ugat na napigtas mula sa sugat.

Samantala, hindi na naharang ng mga nakasaksi ang suspek na umangkas umano sa isang tricycle ng kamag anak nito. Ayon sa driver ng tricycle na si Dominador Cabang, pinsan ng suspek at residente sa nasabing barangay, bumaba si Catchola sa hi-way at hindi na niya alam kung saan ito tumungo.

Nananawagan ang pamilya Valdez sa mga nakakaalam sa kinaroroonan ng suspek na tumulong sa kinauukulan na mapagdusahan ni Catchola ang ginawa nitong kasalanan.