OFW sa Riyadh hindi na pinapa-sweldo Pinagbintangan pang nagnakaw Nagpakupkop sa Embahada

TUMAKAS sa kanyang amo at kasalukuyang kinukupkop ngayon ng Embahda ng Pilipinas sa Riyadh ang OFW na si Donna Ortiz Penaflor, 38, may asawa at 2 anak.

Si Donna ay magli-limang buwan nang naninilbihan sa Riyadh at sa salaysay ng kanyang amang si G. Ernesto Javier Ortiz, residente ng Barangay Lennec, pinagbintangan ang kanyang anak ng kanyang mag-asawang among Mohammad Abdulai Alganam at Manual Saad Alganam ng pagnanakaw.

Ayon pa kay Mang Ernesto, nang maka-isang buwan sa pagta-trabaho si Donna noong Setyembre 2016, sa mga Alganam ay hindi na ito binigyan ng sweldo. Naisipan umano ni Donna na tumakas nang pagbantaan na itong papatayin.

Sa kasalukuyan, si Donna ay nasa pangangalaga ng Philippine Embassy sa Riyadh. Hawak niya ang kanyang passport at humihingi ng tulong para makauwi na ito s kanyang pamilya dito sa Guimba.

Nasa ika-5 taon na ng pangingibang bansa si Donna. Una itong nagtrabaho sa Dubai ng 2 taon at 2 taon din sa Qatar. Nagpalipat-lipat ito ng pinagsisilbihan dahil natapos na ang kontrata. Gayuman hindi ito napagbintangan ng pagnanakaw ng kanyang mga naunang amo.