Mga lider magsasaka para sa Libreng Irigasyon humarap sa Hearing ng House Committee on Agriculture and Food

GINANAP kahapon, Nobyembre22, 2016, sa House of Representatives ang hearing ng Committee on Agriculture and Food kaugnay sa 29 na mga panukalang batas kaugnay sa Libreng Patubig na sya namang nilahukan ng mga lider magsasaka mula sa iba’t ibang mga probinsya sa buong bansa.

Kasama sa mga lumahok ang pamunuan ng Ugnayan para sa Libreng Irigasyon at Serbisyo (UPLIS) na pinangunahan ni Punong Barangay Carlito Castro ng Yuson, Guimba, Tagapangulo, Punong Barangay Pol Alcantara ng Naglabrahan, Guimba, Pangalawang Pangulo at Kagawad Lucio Mina ng Yuson, Kalihim.

Lumahok din ang mga lider mula sa Pagkakaisa sa Patubig sa Guimba-Nampicuan-Cuyapo at Kilos-Patubig na kinatawan nina Punong Barangay Jerry Cortes ng Bagong Barrio, Guimba, Punong Barangay Joey Santiago ng Manggang Marikit, Guimba, Rey Rufino ng Barangay Sta Lucia at Kagawad Jun Romano ng Barangay Bunol, Guimba.

Sa pagdinig ng mga panukalang batas, umupo sina Secretary Rafael “Ka Paeng” Mariano ng Department of Agrarian Reform, Secretary Manny Pinol ng Department of Agriculture at NIA Administrator, Florencio Padernal.

Una munang pinagsalita sa pagdinig ang mga kongresista na naghain ng mga panukalang batas, at binigyan ng pagkakataong makapagsalita ang ilang mga lider magsasaka.

Pahayag ni Secretary Manny Pinol, naniniwala umano si Pangulong Rodrigo Duterte na mahalaga ang irigasyon sa agrikultura, kung kaya’t napapanahon na upang pirmahan nya ang Executive Order para maipailalim muli sa Departamento ng Agrikultura ang National Irrigation Administration, National Food Authority at Philippine Coconut Authority.

"Importante ang Irigasyon sa pagpo-produce ng pagkain para sa bansa. Why should we ask the Filipino Rice Farmer’s to pay for something they owns?” tanong umano ni Presidente Duterte sa kalihim, at ang tubig ay pambansang patrimonya ng Pilipinas kung kayat labag ito sa prinsipyo ng Pangulo na bayaran ng mamamayan ang isang bagay na pagmamay ari niya.

Inihalintulad ang irigasyon sa mga hiways/kalsada na pinagagawa ng gubyerno na nilalaanan ng trilyon piso at pwedeng gamitin ng lahat pero bakit natin hinahayaan ang mga magsasakang Pilipino na magbayad sa tubig irigasyon, pahayag ni Pangulong Duterte, ayon pa kay Pinol.

Kumbinsido ang naturang Kalihim na itulak ang adbokasiya para sa libreng irigasyon, hindi upang makalibre lamang ang mga magsasaka kundi ito ay upang iwasto ang mga pagkakamali sa loob ng mahabang panahon na tamasahin ng mga magbubukid kung ano ang dapat sa kanya- ang libreng serbisyo sa patubig.

Nag-chorus naman sa libreng patubig ang mga naroon sa committee hearing. Nakiisa para sa panawagan na ito ang National Water Resources Board na nirepresenta ni Engineer Jorge Estioko, Silver Bontoc ng National Confederation of Irrigators Association at si NIA Administrator Florencio Padernal na naunang sinabon ni Cong. Prospero Pichay dahil hindi maipaliwanag kung bakit sinisingil pa ang magsasaka gayong 95 % subsidize ng gubyerno na kanilang pinopondohan sa kongreso.

Magbubuo ng Technical Working Committee ang naturang komite ng Agrikultura at Pagkain upang pag aralan at i-consolidate sa iisang batas ang 29 na panukala.

Naglaan na ng P2 bilyon ang DA para sa NIA upang ma-umpisahan na ang libreng patubig sa 2017, ayon kay Secretary Pinol.