Guimba Public Market muntik nang masunog, uling na bagong deliver, pinagmulan

Muntik na muling masunog ang Guimba Public Market. Kahapon, Marso 15, 2017, bandang 5:30 ng hapon, namataan ng ilang tindera ng gulay na may lumalabas na usok sa itaas ng tindahan ng bigas ni Gng. Ofelia Baldovino ng Sta Veronica.

Agad itong nalaman ni Konsehal Diosdado dela Cruz, may tindahan din malapit sa palengke. Agad na pinaki-usapan ni Konsehal ang mga tindera sa paligid na ilabas ang kanilang mga fire extinguiser. Walong extinguisher ang ginamit habang wala pa ang truck ng Bumbero. Itinutok sa siwang na nasa itaas na bahagi ng roll-up door.

Kinontak din ang NEECO 11 para pansamantala ay patayin muna ang kuryente sa palibot ng palengke .

Nang dumating ang mga bumbero, agad na binaklas ang itaas na bahagi ng roll-up na tumagal ng kalahating oras. Dito nakita ang 5 sako ng uling na siyang pinag-gagalingan ng usok. Agad na tinakpan ng lona ang talaksan ng kabang biigas at pinauulanan ng tubig ang mga uling. May ilang kabang bigas na bahagyang nabasa ng tubig habang ang ibang bigas ay bahagyang nadilaan na ng apoy.

Ayon kay G. Anselmo Baldovino, may-ari ng tindahan, bagong deliver ang mga uling, 4:00 pm nang ito ay ihatd sa kanilang tindahan ng isang biyahero mula sa Talugtog. Dahil pagabi na ay pansamantala inihanay muna ang mga ito sa kaban ng bigas sa loob ng tindahan. Hinala ng ilan, kahahango lang mula sa pinaglutuan ang mga uling, maaari umanong hindi nasibsibang mabuti.

Agad namang nakontrol ng BFP Guimba ang sitwasyon, wala ng nadamay na pwesto at pagtay ni Fire Officer 2 Francis Almazan, aabot sa P3,000 ang halaga ng nasirang kisame at bigas.
Maraming komersyante ang kinabahan sa nangyari, dahil akala nila ay mauulit ang nangyaring trahedya noong 2015 sa harapan ng palengke, kung saan ay nasunog sanhi ng faulty wirings. Hindi pa man umano nalilipatan ang bagong tayong palengke ay muntikan ng maulit ang posibleng trahedya.

Nabahala din si Director Noriel Junio ng NEECO II, na nooy napatakbo din sa palengke, at baka faulty wiring ang sanhi.
Samantala, matagal na umanong pinagbabawal ng BFP ang pag-iimbak sa palengke ng uling at iba pang fire hazard materials.