DSWD Central Office positibo ang Feedback sa mga binisitang mga Communal Vegetable Garden sa Guimba!

Kahapon, ika-9 ng Marso 2017, ang itinakdang pagbisita at monitoring ng Office of Secretary Judy Taguiwalo ng Department of Social Welfare and Development Central Office, upang makita ang pagsisikap ng Liga ng mga Mangagawang Bukid (LMB) sa kanilang proyketong Communal Vegetable Garden at upang makipagkonsultahan na rin sa mga local leaders ng mga barangay kasama ang Alyansa ng magbubukid sa Gitang Luzon-Nueva Ecija at Radyo natin Guimba.

Dalawang opisyal ng naturang ahensya ang dumating, sina Director III of the Office of the Secretary Maristela Abenojar kasama ang Executive Assistant of the Secretary Mr.Francis Villabroza at si Director Amada Pornaras, ang head ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Central Office kasama ang kanyang Deputy Director na Si Cathy. Nakasama din sa team ang mga kinatawan mula sa DSWD Region III at 2 Municipal Link ng MSWDO-Guimba

Bandang las 10:00 ng umaga, matapos ang Courtesy call sa office of the Mayor Boyong Boyong Dizon na kinatawan ni Administrator Gary mangalino, unang tumulak ang team sa barangay Manggang Marikit kung saan nakatipon na ang mga miyembro ng LMB at grupong Mambayo na karamihan ay kababaihan, nasa gitna ng bukid ang kanilang communal vegetable garden. Pagbaba pa lang ng DSWD team ng sasakyan, bumulaga na ang mga taniim na sili, talong, kamatis, ampalaya, sitaw sa halos kalahating ektaryang lupa na ipinahiram ng Mambayu sa LMB ng Manggang Marikit na may 200 miyembro.

Ibinida nina ginoong Nilo Melegrito, Pangkalahatang Kalihim ng AMGL-NE at Ginoong Aquilino Lopez, pangulo ng AMGL – NE, at ni Maricel, lider ng LMB-Marikit ang kalagayan nila at sakripisyo sa pagtatatanggol sa kabuhayan at sa lupa na pilit inuunawa ng DSWD team ang kanilang mga kwento.

Sumunod na pinuntahan ay ang barangay Nagpandayan at dito na inabutan ng masayang pananghalian. Kaagad ang impression ni Director Abenojar ay parang "barrio fiesta" kung saan punung-puno ang mesang gawa sa kawayan ng mga lutong ulam ang nadatnan sa kubo. May suso, hipon at tilapia na hinuli ng masa sa ilog na malapit lang sa kinaroroonan ng kanilang communal garden na puno ng mga tanim na gulay at ito rin ang kanilang inihain na pagkain sa mga dumating na bisita. May dagdag na saging, nilagang mani at mangga na nakahain din. nagkontribusyon ang mga miyembro ng sampung piso pinambili ng sahog at inumin- fiesta mood talaga.

Ang barangay Nagpandayan, sa pamumuno ni Zandro Tomas, lider ng LMB at kabisilya ay mabilis na nakapag-expansion ng communal garden, mayroon silang bagong communal garden para sa mga bagong kasapi ng organisasyon sa lugar. Masayang nakipagkwentuhan ang mga opisyal ng DSWD sa mga kasapi ng organisasyon.

Makalipas nito ay inikot rin ang barangay Naglabrahan, Bunol at Cabaruan kung saan nakaagaw pansin sa Team DSWD ang kalagayan ng 71 anyos na si Nanay Felicidad Pagaling ng barangay Cabaruan nakikipagtanim ng palay sa kabila nang ito ay may kapansanan sa kaliwang mata, hindi na nakakakita dahil sa malalang impeksyon at pagdurugo at hindi rin niya naipapacheck-up, sa awa ni Director Amada Pornaras, pinagkalooban niya ito ng halagang P3,000.00 mula sa sarili niyang bulsa.

Alas 4:30 ng hapon, sa compound ni Ginang Lina Villaflor, LMB leader ng San Roque, idinaos ang isang dialogue/meeting.

Masayang inilahad ni SLP Director Amada ang kanyang feedback, natutuwa ang kanilang grupo sa kanilang mga pinasyalang mga garden sapagkat pinakikinabangan na ng mga benepisyaryo. Isang bagay na nakita nyang positibo ay ang sama-samang pagkilos ng mga mangagawangbukid para harapin ang kahirapan. Aniya, umaani na ang mga miyembro kung saan ay nakakatipid na sila sa pang araw araw sa pambili ng mga gulay na kanilang ulam, at maaari na nilang iallocate ang gastusin para sa iba pang mahahalagang mga bagay na kanilang kailangan.

Saludo naman si Director III of the Office of the Secretary Maristela Abenojar, sa ipinakitang kasigasigan ng Liga ng Manggagawang Bukid. Ayon sa kanya, hindi kailangan sila ang pasalamatan dahil tungkulin nila bilang mga public servant na paglingkuran at tulungan ang mga taong nangangailangan. At ang dapat pasalamatan ay ang organisasyon na syang nagsikap para ito ay matupad. At sa kanilang pag uwi ay baon baon nila ang magaganda at mga positibong mga karanasan ng mga manggagawang bukid dito sa Nueva Ecija na sya nilang ikukwento sa ibang mga rehiyon na parehong nakakaranas ng kanilang mga suliranin at problema. Hanga at pinagpupugayan nya ang mga manggagawang bukid sa kanilang mga ani, hindi lamang sa kanilang aning mga gulay sa mga garden kundi ang inaani ng organisasyon sa paglawak ng kasapian at pagpapatibay ng kanilang hanay.

Sa kanilang pag uwi, pasado alas sais ng hapon, pinabaunan ng LMB ang mga taga DSWD ng mga inaning gulay bilang pagpapakita ng pagpapasalamat ng grupo sa naturang ahensya.