Dating Kinatawan ng Unang Disrito, Edno Joson planong ipa-land reform ang 200 ektaryang lupain sa Barangay Pacac, Guimba!

  1. KINUMPIRMA ni Ex-Congressman Edno Joson ng Unang Distrito ng Nueva Ecija na plano nitong ipamahagi sa magsasaka ang kanyang parte sa 200 ekaryang lupain na pag-aari ng pamilya Joson na matatagpuan sa Barangay Pacac, Guimba.
  2. Ayon kay Cong Edno, nagkausap sila ni DAR Secretary Rafael “Ka Paeng” Mariano sa pamamagitan ng telepono. Kanyang sinabi na pwedeng i-land reform ang saklaw ng 200 agricultural land sa Pacac, partikular ang kanyang bahagi para umano maisama sa accomplishment ni Ka Paeng na kanya ring kababayan, si Cong Edno at Ka Paeng ay pawang taga Quezon, Nueva Ecija.
  3. “Ang 200 ektarya ay nakapangalan sa aming magkakapatid, pito kameng magkakapatid at ang aming magulang na babae, ang aking share ay willing kong ipapailalim sa land reform na pwedeng ipamahagi sa magsasakang walang lupa, sa land reform, ang dapat naging sistema diyan ay maglaan ng pondo ang gubyerno para mabayaran na ang lupa at libreng maipamahagi ito, dahil kung ang mga magsasaka pa ang magbabayad, mananatiling babalik ang kontrol muli sa mga panginoong maylupa na may kakayahang bumili” saad pa ni Edno.
  4. Mas maganda umano kung maging ang nakapangalan sa kanyang ina at sa kanyang mga kapatid ay papayag sa ganitong sistema dadag pa ni Edno.
  5. Samantala, sa ginanap na launching ng Novo Ecijano for Change and Lasting Peace (NECJP) noong nakaraang Nobyembre 29, nai-share Ka Paeng na siyang guest speaker, na tinawagan siya ni Cong Edno at sinabing nais umano nitong ipaloob sa Land Reform ang lupain ng mga Joson sa gawi ng barangay Pacac, bayan ng Guimba. Matapos niyang banggitin ito ay nagpalakpakan ang mga delegado ng nasabing forum.
  6. Ayon kay ka Paeng Mariano, isa sa makalulutas sa matagal ng armadong tunggalian sa kanayunan ay ang pagkakaroon ng lupa ng mga maralitang magsasaka at lutasin ang pyudal na relasyon sa pagitan ng mga panginoong maylupa at ng magsasaka, kung kaya’t isa sa mga naibahagi nya ay marami umanong mga may ari ng lupa ang lumalapit at kumakausap sa kanya kaugnay sa usaping ito.