Dating 1st District Board Member Solita Calara-Santos namapayapa na

  1. SA edad na 75, tuluyan ng namayapa si dating Board Member Solita Calara-Santos nitong Nobyembre 6, 2016. Bukod sa paglilingkod sa bayan bilang Board Member sa mahabang panahon, masugid din itong tagapaglingkod ng Panginoon sa St. John Parish Church sa Guimba Nueva Ecija bilang commentator.
  2. Alas singko ng hapon, araw ng Linggo, hindi inaasahang sa pagtayo niya sa podium sa loob ng simbahang katoliko ng St John Parish Church ay ito na ang kanyang huling paglilingkod sa panginoon at sa sambayanan dahil nang oras ding iyon, bigla na lamang itong nag-collapse habang hawak-hawak ang mikropono para sa pagbasa ng second reading ng misa na pinamumunan ni Fr. Baby Malgapo.
  3. Naitakbo pa sa pinakamalapit na ospital, ang Guimba General Hospital pero ilang minuto pa lang ang nakalilipas, nalagutan na ito ng hininga.
  4. Si Solita Santos ay dating Presidente ng Parish Pastoral Council (PPC) sa St John Evangelist Parish Church sa mahaba-habang panahon at kahit may iba ng presidente ng PPC na humalili sa kanya ay wala pa ring kupas at aktibo sa paggampan ng gawain sa simbahan.  Pamalagian itong gumaganap bilang commentator  tuwing may misa at naroroon ang kanyang presensya.
  5. Ayon kay Dr Glee Fuellos, mabuting kristyano si Solita Santos, sa mahabang panahon ay naglingkod sa simbahan at itinuturing na isa sa pinaka-aktibo sa PPC, laging positibo ang pag-iisip lalo na kung kinakailangang mangalap ng suporta para sa mga aktibidad ng simbahan, palibhasa aniya ay maraming kilalang mga pulitiko at personalidad sa Nueva Ecija.
  6. Nang mamatay ang kanyang asawa na si Board Member Oscar Santos, sumunod na rin siya sa yapak nito, sumabak na rin sa pulitika si Solita Santos noong 1995 hanggang 2004, tatlong termino ang inilagi niya sa Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija.
  7. Ayon sa kanyang anak si Alberto Santos III, naging Most Outstanding Board Member noong 1995-1998 ng Unang Distrito sa ilalim ng Partido ng Lakas, noong 2001-2004 ay naging Senior Board Member ng Sangguniang Panlalawigan.
  8. Si Solita ay tubong Bongabon, Nueva Ecija, nagtapos ng pag-aaral sa Centro Escolar University ng Bachelor Of Science in Elementary Education. Nagturo ng 10 taon sa kanyang bayang sinilangan, lumipat sa Guimba kung saan nakapgturo sa Pasong Inchick Elementary School at West Central School.
  9. Pagkakasakit:
  10. Sa kwento ng anak na si Betbet, na-stroke ang kanyang nanay noong October 13, 2013, matapos ang 3 buwan ay naka-recover, nagkaroon din ng sakit na Bell’s palsy noong 2014.
    Ang Bells palsy ay isang paralisis o panghihina ng muscle ng kalahating bahagi ng mukha na kung saan ay nagkakaroon ng problema ang mga nerve nito sa mukha na kadalasang sintomas ay pagluluha ng mata at naapektuhan ang panlasa. Kamakailan ay naoperahan ang mata dahil sa katarata.