Cash for work ng DSWD at LGU sinimulan na

Sinimulan na ng DSWD at LGU ang Cash For Work sa Bayan ng Guimba, ang paglilinis ng mga piling indigent sa paligid ng Barangay.

Nitong Lunes, Marso 13, 2017, napansin na sa mga kalsada ang paglilinis sa Barangay Saranay, San Roque, San Andres, Camiing , Cavite, Guiset, Manacsac, Sityo Dalaydayan at Yuson .

Sa panayam kay Gng. Lina Garampil, OIC sa Municipal Social Work & Development Office (MSWDO) sa bayan ng Guimba, tatagal ng sampung araw ang proyekto. Bawat maglilinis ay tatanggap ng honorarium na P252 kada araw.

Nabatid na bumibilang sa 20 -30 ang bilang ng mga naglilinis sa mga Barangay ngunit ayon kay Gng. Garampil, 49 na katao ang kalahok sa Barangay St. John.

Sa work plan ng cash for work, lilinisin ang mga kalsda at kanal, tatanggalin ang lahat ng dumi at bara. Tatabasin din ang mga damo at talahib sa mga masukal na lugar. Kapag natapos agad ang paglilinis ng grupo ay lilipat sa katabing Barangay para tumulong sa grupong naglilinis doon. Kung hindi umano nakaganap sa unang araw ng paglilinis ay may extension sa araw, gayunman inaasahang matatapos ang paglilinis sa Marso 24.

Ang mga gamit-panlinis tulad ng walis, dust pan, asarol, pala, sako at iba pa ay manggagaling sa mga kalahok.

Samantala, iniisip ng DSWDO na gawing sentralisado ang pagbibigay ng honorarium at ang paunang release ay sa ika-limang araw upang may pambili umano ng pagkain sa tanghalian at meryenda ang mga kalahok.