BULLION BUYERS LIMITED PINASOK NA RIN ANG MGA EMPLEYADO NG MUNISIPYO

Pinasok na rin ng mga recruiter ng Bullion Buyers Limited ang Munisipyo ng Guimba kung saan namudmod ng mga information sheet para fill-upan at pangakuan na sila ay makatatanggap ng P10,000 piso kada buwan galing sa yaman ng mga Marcos.

Isa si Mrs. Leonida Espana na pinagrerecruit ng 300 katao na isasapi sa bullion at kapag nagawa nya ito ay tatanggap umano ng isang milyong piso, ito ang ipinangako ng nagrecruit naman sa kanya.

Sa panayam, sinabi nito na nagre-recruit siya sa mga emplyado ng Munisipyo ngunit ititigil na umano niya matapos mapaliwanagan ng isang kaanak.

Maliban sa Munisipyo, may nagre-recruit din sa mga barangay na naglulunsad ng meeting at iisa ang kwento. May ipinalalaganap na booklet na may litrato ni Marcos na nagkakahalaga ng P35-P40, kasunod ang pag-aalok ng ATM card kung saan hihingi ng P500-P2,000 at pangangakuan na within 30 day na working days ay may papasok na pera sa kanilang mga account.

Karamihan sa mga inaalok ay mahihirap gaya sa lalawigan ng Tarlac at Pangasinan

May information sheet na susulatan ng nire-recruit kung saan ang naturang dokumento ay walang logo, walang address, walang contact number at photo copy. Ang pagpaparami ng kopya ng blangkong information sheet ay sagot ng itinatalaga nilang coordinator na siyang magrerecruit sa mga tao sa barangay.

May isa pang photo copied na “deed of assignment” ang ipinapakalat din. Nakalagay ang pangalan at larawan ng isang Victoria B. Melegrito bilang provincial implementor na assignee o itinalaga ni TJDT ng 2 milyon dollar at siyang mamamahagi umano sa mga taong narerecruit nila sa Bullion Buyer. 

Ang pinapakitang “deed of assignment” ay wala ring logo, walang address at walang notaryo ng abogado.

Samantala, noong Marso 22, 2013 ay naglabas ng opisyal na pahayag ang National Bureau of Investigaion na ang Bullion Buyer ay isang investment scam at ang may pakana dito na dalawang suspek na nakilalang sina Felisima Faltado Cantos at Emanuel D. Destura na taga Paranque at Fairview ay nahaharap sa kasong syndicated estafa dahil sa pagrerecruit at pangongolekta ng pera sa mga biniktima.