4 holdaper, Patay sa engkwentro sa Tampac-1

Patay sa naganap na engkwentro ng pinagsanib na puwersa ng PNP Guimba at Provincial Public Safety Company (PPSC) ang apat na hinihinalang holdaper, kahapon ng madaling-araw, Marso 12, 2017.

Positibong kinilala ng mga kaanak ang mga napatay na sina Fredie Villanueva ng Barangay Culong; magkapatid na Ronald at Dodie Fermin y Gutgutao ng Barangay Bunol at isang may tatong "Alejo" sa katawan.
Sa panayam kay PSpt Rechie Duldulao, Hepe ng PNP Guimba, ang mga suspek ay kasama sa mga  nangholdap sa KYM Gasoline Station, sa isang pwesto ng carwash, sa isang tindahan ng pataba sa Barangay Bunol at sa pangho-holdap din sa emleyado ng STL.
Namataan umano ng concerned citizen ang 4 na suspek na lulan ng 2 motorsiklo bandang 12:20 ng madaling-araw kung saan ang isa sa kanila ay may dalang shotgun.  Ini-ulat ito ng concerned citizen  sa PNP Guimba  na agad namang  nagsagawa ng verification patrol at tumimbre sa Provincial Public Safety Command (PPSC).
Bandang 1:00 ng umaga nang makita ng PNP Guimba ang mga suspek sa Barangay San Roque patungong timog at hinabol nila ang mga ito. Noon naman ay nagsasagawa  ng anti-criminality checkpoint ang PPSC sa direksyong binagtas ng mga suspek.  Nang makita ng mga suspek ang checkpoint ay bumwelta ang mga ito  pabalik kaya hinabol na rin sila ng mga nagsasagawa ng chekpoint. 
Nagpaputok ng shotgun ang isa sa back-ride sa humahabol na PPSC at nang masakote sa ginawang blockade ng PNP Guimba ay nakipag-palitan ng putok na tumagal lamang ng ilang minuto bago tumimbwang ang 4 na suspek.
Naka recover sa pinangyarihan ng insidente ng mga basyo ng bala ng M-16, 9mm, shotgun at kalibre 38. Na-recover din ng mga baril at live ammunition ng kalibre 38 at shotgun. May natagpuan ding 4 plastic sachet na may laman na hinihinlang shabu at isang MK2 fragmentation na granada. 
Samantala,  hanggang sa sinusulat ang balitang ito, ang suspek na may tato' ay hindi pa kinukuha ng mga kaanak sa Gamalinda Funeral Parlor. Ayon kay Duldulao, ito ay taga Maturanoc, dito pa rin sa bayan ng Guimba,  dating nakulong sa Bilibid at ulila na sa magulang.