2 UP Students na iligal na inaresto sa bayan ng Caranglan, Laya na!

  1. GANAP nang nakalaya ang dalawang kabataang bilanggong politikal na dating UP Students na sina Guiller Cadano at Gerald Salonga ngayong araw, Disyembre 5, matapos ang mahigit dalawang taong pagkakapiit sa Nueva Ecija Provincial Jail.
    Ipinag-utos ni Judge Leo Bautista ng Regional Trial Court Branch 39 ang pagpapalaya kina Guiller at Gerald, mas kilala sa kanilang palayaw na Guilly at Geary, noong Disyembre 1 matapos ibasura ang kasong illegal possession of firearms and explosives na inihain sa kanila.
    Kabilang ang dalawang kabataan sa 434 na political prisoners
    na hinihiling ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa administrasyon ni Pangulong Duterte na mapalaya bago December 10, ang araw ng paggunita sa Karapatang Pantao.
    Noong Agosto 9, 2014, sapilitang inaresto at dinukot ng militar sina Guilly at Geary sa Brgy. RT Padilla, Carranglan, Nueva Ecija kung saan nagsasagawa sila ng pananaliksik hinggil sa kinakaharap na problema ng mga magsasaka sa nasabing bayan.
    Ayon sa mga ulat, sapilitan silang kinaladkad, piniringan at ibinyahe sa isang lugar kung saan sila isinailalim sa magkahiwalay na interogasyon at pinilit na umaming mga kasapi ng New People’s Army (NPA).
    Sina Guilly at Geary ay pawang nagmula sa University of the Philippines Diliman Extension Program in Pampanga. Si Guilly ay nagtapos ng kursong business administration at naging panrehiyong tagapagsalita ng Kabataan Party-list, habang si Geary naman ay nagtapos ng kursong psychology at isang organisador ng Anakbayan Central Luzon.
    Bilang mananaliksik at organisador, naging katuwang ng Alyansa ng Magbubukid ng Gitnang Luzon (AMGL) noong 2014 ang dalawa sa pagbuo ng pananaliksik sa epekto sa mga magsasaka ng Dalton East Alignment Road Project, isang expressway na itatayo mula Carranglan hanggang Aritao, Nueva Vizcaya.